Uulan! Drawing ka ng Araw!

Image

Tanda ko pa dati, noong dating dati kung saan ang ipad ay tanging kaibigan palang ni Steve Jobs sa kanyang isip. Kung kailan hindi ko pa alam na mas magaling akong magsulat kesa mag-drawing, at noong hindi pa ‘ko marunong pumunta sa crossing.

Mahangin noon, matingkad ang araw, at lubos ang aking galak dahil alam ko,  ramdam ko sa kaibuturan ng aking puso—ginawa ang araw na ito para sa akin!

Mayabang kong nilakad ang kalsada papasok sa loob ng gusali, tiningnan sa noo ang bawat taong nakasalubong at nginitian ang lahat ng dingding sa kapaligiran. Wala akong pakialam, ‘di mahalaga kung mukha akong tanga sa tingin ng iba, basta ang mahalaga akin ang araw na ‘to!

Usap-usap sandali, payo ng kaunti at heto handa na ako. Agad kong nilabas ang aking apat na ballpen, tatlong lapis, dalawang eraser, ruler, triangle, compass, at isang milyong yabang bago pa sabihin ng tao sa harapan ang mechanics.  ‘DI ko na matandaan ang mga sinabi nya, basta ang nasa isip ko madami akong kalaban at ang lalaking nasa harapan ko ang pinakamalupit sa kanila. May t-square s’yang dala, masyado nga lang mahaba para isabit sa maliit n’yang katawan. Sabi pa ni coach architect daw ang tatay n’ya, pero naisip ko, ‘di naman halata. Mas mukha naman akong matalino sa kanya. May cable kaya sila? Bacon at pancake din kaya ang ulam n’ya sa almusal? Nag-jeep ba sya o hinatid ng tatay n’ya sa kotse? Ah! Ewan, basta  ang alam ko di hamak na mas angat ako sa kanya.Period!

Nagsimula ang laban, ginalaw ko ang lapis sa direksyon nang kanan, kaliwa, taas, baba. Bura ng unti, guhit ulit, kaunting sukat ng ruler, bilog gamit ang compass, gawa angle, sukat, guhit, bura, hanggang mamalayan kong pagod na pala ako. Pero di ko tinigil, naisip kong sadya talagang nakakapagod ang gumawa ng bahay. Matapos ang ilang oras napagdesisyunan kong lapatan ng tinta. Dahan-dahan, malumanay dapat, light lang ang hagod, pero ewan ko ba biglang sumabog ang ink, kumalat hanggang sa hindi ko na mapigilan at tuluyang nilamon ang aking obra. Kawawang Ivan, tapos ang laban!

Nanlumo ako, para bang biglang umulan at nabasa ako, pawis na pawis ang kili-kili ko. Agad kong tiningnan ang paligid, nag-isip nang mabilis kung pano aayusin ang kumalat na tinta, pero sa bawat solusyon na akin gagawin parang lalong nasisira ang gawa ko.

“Grabe, natataranta na ako, 30 minutes nalang tapos na ang laban at ito ako hindi alam ang gagawin habang ang iba ay relax na relax sa kanilang kinauupuan.”  

Fifteen minutes nalang, hanggang sa hindi maintindihang dahilan bigla kong sinabi na:

“suko na ako, ‘di ko na tatapusin ito.”—tapos ang kwento.

Hanggang ngayon hindi malinaw sa akin ang nangyaring iyon. Nagkulang ba ako sa practice? Masyado ba akong confident na akala ko kusang gaganda at matatapos ang drawing para lang sa akin? Baka mali ang pakiramdam ko, na ang katotohanan ay sadyang hindi para sa akin ang araw na iyon? Hindi ko alam. Pero ang isang bagay na alam ko, mali na sukatin ang kalalabasan ng isang bagay base sa pinagsimulan nito, at maling mali na gamitin ang bacon at pancake na analysis sa isang laban.

Umulan, araw na ang kasunod nyan.

*PARA SA LAHAT NG NAGING WASAK PERO NANINIWALANG WAGAS ANG PATUTUNGUHAN.

*Art courtesy of Riza Turker

Advertisements